Tags

, , , , , , ,

My fellow bloggers, please excuse this post that may not be in the language that you comprehend. I shall try to add a translation afterwards.

Isang panibagong kabanata sa notebook na nakasaksi ng lahat. Hindi ko akalaing nakasulat pala dito ang lahat ng naramdaman ko at ang lahat (halos) ng nangyari sa ating dalawa. Patuloy kong napapatunayan na handa naman pala talaga ako para sa ganitong paghihiwalay. 

Kaya ngayong wala ka na (talaga), sinusubukan kong buksan muli ang aking sarili  na tanawin ang mundo nang may kasama. Hindi, hindi katulad ng sabay nating pagtanaw. Hindi ko alam kung may makakapantay pa noon. 

itong simpleng sabay-na-pagtanaw na nagtulak sa aking magsulat ng tungkol sa “Pursuit of Loneliness” sa Tagalog (Filipino). Walang papantay sa pag-intindi mo sa bawat tula, thesis, at bawat kaliit-liitang salita na sabihin ko man o hindi ay naiintindihan mo pa rin.

Pero ang piyesang ito ay hindi talaga tungkol sa’yo.

Ito ay tungkol, muli, sa pursuit of loneliness. Pasensya na kung mahaba ito kaysa sa inaasahan ko. Kung kumpara sa inaasahan mo, hindi ko alam kasi hindi ko naman alam ang inaasahan mo. At sa totoo lang, hindi ko alam kung anong ipupunto ko. Pero higit sa punto, siguro ay mas mahalaga ang madahang palitan natin ng mga salita, na sa tingin ko, kung aaminin natin ay nagkukulong sa ating kabaliwan at pagiging kakaiba sa loob ng isang ligtas na hangganan. Ang pagkukulong na ito ay hindi iyong nanggagapos ha, kundi ‘yong nakakapagpalaya (the safe borders of insanity).

Sana naiintindihan mo pa hanggang dito. Hindi ko rin kasi sigurado kung naiintindihan ko pa ang sinusulat ko, o baka naman imahinasyon ko lang ang lahat ng ito. At alam ko, tulad ng sabi mo, na hindi ka sigurado kung gusto mo nga ba akong/itong maintindihan. Walang problema. Hangga’t totoo ka ay magiliw akong makikipagpalitan ng mga salita kasama ka. 

At tungkol saan na nga ba ulit ang “pursuit of loneliness?

Sabi mo tungkol ito sa batas ng kalikasan kung saan itinutulak tayo sa mga bagay na hindi naman para sa atin — ‘yong tinatawag mong mga bagay na dapat-wala pero nagmemeron. Na kung sa kalayaan ay kukunin mo, iiwan ka nito sa pag-iisa. Kakambal ng kalayaan ang pag-iisa. Sa madaling sabi, kung nais mong maging malaya, dapat handa kang mag-isa. 

Gusto ko pa sanang dagdagan, pero sa tingin ko, kailangan muna natin ulit magpalitan ng mga salita 🙂 

Advertisements