Naghihintay ako ngayon sa labas ng gym; naghihintay na matapos mag-gym ang nobyo ko. Kasabay ng paghihintay ko ay ang unti-unting paglubog ng araw, pagbukas ng nakalinyang mga ilaw ng poste na nagpapadilaw sa dahon ng mga halamang nakalinya rin sa kalsada. Para bang nakalinya silang lahat sa aking harapan at alam kung saan papunta, katulad ng sandaang sasakyan na hagip ng aking tanaw.

Bago lang nagkaroon ng direksyong pupuntahan itong buhay ko. Dala siguro nitong nobyong hinihintay ko.

Kurbada itong daan kaya mahirap matanaw kung saan liliko, magtatagpo, mapuputol, nagmumula, patungo o matatapos.

Kurbada rin itong buhay ko. Sobrang kurbada na sa dami ng paliku-liko at madalas na pagkaligaw ay minsan nalilito pa rin ako kung nasa tamang daan ba, kahit na sinasabi ng kutob ay, “sige lang, tumuloy ka.” Pero ang paa ay nakapatong sa preno, handang tumigil, lumiko o kahit pa bumalik anomang oras.

Paano ba nagkakaroon ng direksyon ang buhay ng tao na katulad ng sa mga puno, poste at kalsada?

Advertisements